patikim ni makoy dakuykoy

www.tabulas.com/~soulfly makoydakuykoy.multiply.com

Tuesday, February 14, 2006

Sagutang-sulat/tula


Kasama sa koleksyon ang tula kong "Sa Pagitan Natin".

Isang maambong madaling-araw ng Agosto 2004, humarap ako sa kompyuter at tinipa ang mga linya na iniisip ang isang taong nakilala ko nang personal. Ang kapsyul ng tula ay tungkol sa aming dalawa, sa condo unit na kanyang tinutuluyan malapit sa Bustilyos, habang nag-uusap ang mga bahagi ng aming katawan sa dilim. Liliwanagin ko lang: walang kung anumang intimate na nangyari kaya wag kayong mag-isip ng kahindutan. At ang bagay na iyan marahil ang frustration sa likod ng tula.


Sa Pagitan Natin

Habang nakalambong sa atin ang dilim
tinanong mo ako, ang ako sa loob ko
kung bakit kumakampay ang mga dahon
kung bakit umiiyak ang mga bato
kung bakit matamis ang halik
kung bakit mainit ang aking mga yakap
kung bakit nasumpungan mong nakatali
ang iyong mga kamay sa aking mga kamay
kung bakit nangyayari ang mga pangyayari
at nagaganap ang kaganapan ng mga bagay
batay sa kanilang kahandaan, at hindi sa atin
kung bakit mapangahas ang madaling-araw
at kung bakit umulan nang ako ay umalis.
Tinutop ng iyong mga daliri
ang mga hibla ng aking buhok,
ang aking mga kilay at pilikmata,
ang paligid ng aking mga labi
nagbabakasakaling makita mo ang sagot
sa lahat ng ito, mabasa sa hugis ng aking mukha
kung paano ko bitiwan ang aking takot
sa gabing katumbas ng isang libong gabi
na ikaw ang kaharap ko, at hindi sila
at ako ang kaharap mo, hindi isa man sa kanila.
Nagaganap ang kaganapan ng mga bagay
batay sa kanilang kahandaan
katulad nito, nagsasayaw man ang laksang
abo ng pagkalito sa ibabaw ng ating balikat
at nakikiusap ang iyong isip sa iyong puso
upang hindi mabuksan ang mga nakapinid
upang hindi mabaklas ang mga itinayong pader
gayong nakikita natin ang isa't isa
lagus-lagusan, sa pinag-isang kaluluwa.
Sinasabi ko sa iyo ngayon
na malalaman mo ang sagot kapag ikaw ay umibig.


Pagkatapos kong ipabasa sa kanya ang tulang inialay ko sa pagkikita naming dalawa, sinagot niya rin ako ng tula. Totoo. Marami nang mga kaibigan/kakilala/ex-lovers/me-HD-sakin ang humingi ng isang personal na tulang iaalay ko sa kanila. Pero isa ang tulang ito sa mga pinakamahalaga sa akin, hindi lang dahil sa naging patok ito sa grupo kong pinoypoets, kung hindi dahil sa katapatan ng pinatutungkulan at nagawa pa niyang humugot ng mga talinhaga para sa akin.

Inilagay ko rito ang tula-sagot niya dahil hindi ako nakahanap ng tamang espasyo sa chapbook para sa mahalagang pangyayaring ito sa pagitan naming dalawa:


Ikaw

hindi ko maaabot ang buwan,
kahit halos isang dangkal lamang ang layo nito.
hindi mapapasaakin ang kanyang ngiti,
kahit gaano man ito katamis.
at kahit gaano ko man ito inaasam.
patuloy akong magtatago sa kawalan
kahit naaaninag ko ang kanyang liwanag
sapagkat habang nararamdaman kong
naglalaro ang mga paru-paro sa aking hinagap
ay nagluluksa naman ang aking diwa.
at kung sa guhit man ng tadhana
ay makaduapang palad ko ang kanyang pilikmata,
ngingiti lamang ako.
sapagkat natatalos kong hindi siya mapapasakin
dahil nakatali na siya sa langit.




Sunday, February 12, 2006

Unang Tikim



[1] BAKIT NILIKHA ANG BLOG NA ITO?

Dahil kailangan. Ito ang magsisilbing ekstensyon ng chapbook. Maraming mga dokumento at detalyeng nabanggit sa koleksyon ang isasalpak [ipapaskil? ano ba filipino ng 'post'?] dito para sa dagdag na impormasyon at direksyon sa mga mambabasa.


[2] BAKIT KA NANDITO?

Dahil gusto mo. Internal ang mapagpasiya, sabi nga ng mga Marxista. Sa kabila ng samu't saring salimuot sa buhay mo, idagdag pa diyan ang tanong na "paano kaya ako makakapag-internet?" dahil sa mga usaping pampinansiya atbp., nagawa mong hugutin sa elektronikong mundo ng worldwide web ang cyber chorva ng chapbook. Isa pa, kahit wala kang mga tanong matapos basahin ang 'Patikim', alam mong may matututunan ka pa rin pag bumisita ka rito.


[3] BAKIT WALA KANG MGA TANONG TUNGKOL SA CHAPBOOK?

Imposibleng wala kang tanong. Baka kinain mo ang kopya ng chapbook, itinapon mo lang itong basta kung saan, naiwan mo ito sa pinanggalingan mo, naubusan ka ng kopya, hindi mo alam kung saan ka makakakuha ng kopya, o nagbusy-busihan ka sa marami pang bagay, halimbawa, sa pagresolba sa mga salimuot sa buhay mo. Kung wala kang interes na basahin kahit isang tulang pag-ibig mula sa koleksyon, hindi ko alam kung saang puwet ng kabayo ka huhugot ng interes para sa blog na ito. Kung wala kang mga tanong bago at pagkatapos mabasa ang mga tula sa chapbook, kahit mga tanong lang sa pag-ibig na sinubukan kong ilarawan sa tula, e kelangan mo na sigurong saksakan ng pormalin.


[4] BAKIT?

Bakit hindi?









Home grown poet Mark Angeles will launch his first collection of poems this March.

The chapbook, aptly called 'Patikim', is a folio of his selected Pinoy poems written in 5 years of nibbling towards the realm of love.


Mark, also known by his cyber-monicker Makoy Dakuykoy, wrote the internet hit "Kaya kong magbitiw ng bitter words ngayong gabi", a redux of the Neruda poem "Tonight I Can Write the Saddest Lines". His advocacy will also be read in his "Sakali't Ako'y Usigin nina Marx, Lenin, at Mao Habang Ikaw ay Kapiling", an attempt of mixing politics with romance published in the Sunday Inquirer Magazine.

'Patikim' is a part of the experimental series 100ZineProject by The Youth and Beauty Brigade, an indie publication established by writers Adam David and Carljoe Javier. The chapbook will also include poems made just for the project that were neither posted in print nor online.


[lumabas sa www.pinoypoets.com]