patikim ni makoy dakuykoy

www.tabulas.com/~soulfly makoydakuykoy.multiply.com

Tuesday, February 14, 2006

Sagutang-sulat/tula


Kasama sa koleksyon ang tula kong "Sa Pagitan Natin".

Isang maambong madaling-araw ng Agosto 2004, humarap ako sa kompyuter at tinipa ang mga linya na iniisip ang isang taong nakilala ko nang personal. Ang kapsyul ng tula ay tungkol sa aming dalawa, sa condo unit na kanyang tinutuluyan malapit sa Bustilyos, habang nag-uusap ang mga bahagi ng aming katawan sa dilim. Liliwanagin ko lang: walang kung anumang intimate na nangyari kaya wag kayong mag-isip ng kahindutan. At ang bagay na iyan marahil ang frustration sa likod ng tula.


Sa Pagitan Natin

Habang nakalambong sa atin ang dilim
tinanong mo ako, ang ako sa loob ko
kung bakit kumakampay ang mga dahon
kung bakit umiiyak ang mga bato
kung bakit matamis ang halik
kung bakit mainit ang aking mga yakap
kung bakit nasumpungan mong nakatali
ang iyong mga kamay sa aking mga kamay
kung bakit nangyayari ang mga pangyayari
at nagaganap ang kaganapan ng mga bagay
batay sa kanilang kahandaan, at hindi sa atin
kung bakit mapangahas ang madaling-araw
at kung bakit umulan nang ako ay umalis.
Tinutop ng iyong mga daliri
ang mga hibla ng aking buhok,
ang aking mga kilay at pilikmata,
ang paligid ng aking mga labi
nagbabakasakaling makita mo ang sagot
sa lahat ng ito, mabasa sa hugis ng aking mukha
kung paano ko bitiwan ang aking takot
sa gabing katumbas ng isang libong gabi
na ikaw ang kaharap ko, at hindi sila
at ako ang kaharap mo, hindi isa man sa kanila.
Nagaganap ang kaganapan ng mga bagay
batay sa kanilang kahandaan
katulad nito, nagsasayaw man ang laksang
abo ng pagkalito sa ibabaw ng ating balikat
at nakikiusap ang iyong isip sa iyong puso
upang hindi mabuksan ang mga nakapinid
upang hindi mabaklas ang mga itinayong pader
gayong nakikita natin ang isa't isa
lagus-lagusan, sa pinag-isang kaluluwa.
Sinasabi ko sa iyo ngayon
na malalaman mo ang sagot kapag ikaw ay umibig.


Pagkatapos kong ipabasa sa kanya ang tulang inialay ko sa pagkikita naming dalawa, sinagot niya rin ako ng tula. Totoo. Marami nang mga kaibigan/kakilala/ex-lovers/me-HD-sakin ang humingi ng isang personal na tulang iaalay ko sa kanila. Pero isa ang tulang ito sa mga pinakamahalaga sa akin, hindi lang dahil sa naging patok ito sa grupo kong pinoypoets, kung hindi dahil sa katapatan ng pinatutungkulan at nagawa pa niyang humugot ng mga talinhaga para sa akin.

Inilagay ko rito ang tula-sagot niya dahil hindi ako nakahanap ng tamang espasyo sa chapbook para sa mahalagang pangyayaring ito sa pagitan naming dalawa:


Ikaw

hindi ko maaabot ang buwan,
kahit halos isang dangkal lamang ang layo nito.
hindi mapapasaakin ang kanyang ngiti,
kahit gaano man ito katamis.
at kahit gaano ko man ito inaasam.
patuloy akong magtatago sa kawalan
kahit naaaninag ko ang kanyang liwanag
sapagkat habang nararamdaman kong
naglalaro ang mga paru-paro sa aking hinagap
ay nagluluksa naman ang aking diwa.
at kung sa guhit man ng tadhana
ay makaduapang palad ko ang kanyang pilikmata,
ngingiti lamang ako.
sapagkat natatalos kong hindi siya mapapasakin
dahil nakatali na siya sa langit.




4 Comments:

Blogger inah ;) said...

uy kelan yan??march anu??...

11:30 AM  
Anonymous Anonymous said...

hi makoy, arsikoy here. that poems amazing. id like to repost that on my friendster blog. with credits from you of course. ok.

2:33 PM  
Anonymous ays said...

Tinamaan ako sa "Ikaw". hahaha

1:42 AM  
Anonymous Michael Ian Lomongo said...

beautiful poems!

11:37 PM  

Post a Comment

<< Home